Sunday, February 24, 2008

“Permanent Deaconate” sa Pilipinas (part 1)

“Permanent Deaconate” sa Pilipinas (part 1)

Ang muling pagtatatag ng PERMANENT DEACONATE dito sa ating bansa ay mariing tinututulan ng maraming Obispo at mga kaparian. Dahil daw isinaalang-alang daw nila ang kultura ng Pilipinas o sa madaling salita hindi ito nakasanayan at nakagawian ng mga Pilipino na makakita ng isang ordinaryong tao na may pamilya at mga anak na inoordenahan bilang kasapi ng “hierarchy” ng simbahan.

May ilan pang nagsasabi na hindi pa nito kailangang itatag sa Pilipinas dahil sapat pa ang dami ng mga pari sa bawat parokya. Meron din ang rason ay dahil madami namang laiko na tumutulong sa mga gawain ng pari tulad ng pagbendisyon ng patay, pagbigay ng komunyon, mga gawaing pangkomunidad at iba pa kaya wala pang sapat na pangangailangan ang mga permanenteng diakono sa ating simbahan ngayon.

Kung susuriin, matagal na ang orden ng diakono sa ating simbahan, simula’t sapul ay mayroon nang mga diakono, at ilan dito ay mga santo pa tulad nina: St. Stephen, St. Lawrence at si St. Philipp. Kahit na si St. Francis of Assisi ay ibinibilang bilang isang diakono. Ngunit sa pagkakawatak-watak ng simbahan noong mga nakaraan panahon, nawala ang mga permanenteng diakono sa simbahan, sa halip ay nagkaroon lamang ng “transisional deacons” o yung mga kandidato patungo sa pagpapari na tumatagal lamang ng anim na buwan hanggang isang taon.

Binuhay lamang sa pamamagitan ng isang mungkahi ni Papa Pablo VI sa Second Vatican Council ang muling pagtatatag nito noong 1960’s ngunit hanggang ngayon, hindi pa umaabot ito sa Pilipinas. Karamihan ng mga permanent deacon ay matatagpuan sa Amerika. Sobra sa 60% ng lahat ng mga permanenteng diakono ay nasa bansang ito. Sumonod ang Europe, Africa, Australia at huli ang Asia (batay ito sa 2001 Vatican Yearbook). Sa Asia ay may 66 na permanent deacons sa 11 na mga bansa. Sa Pilipinas ay mayroong dalawa napabilang, ngunit ang dalawang ito ay wala sa Pilipinas kundi nasa ibang bansa din.

Ang aking mungkahi sa simbahan ng Pilipinas ay buhayin ang estado ng permanent deacon. Hindi sapat ang mga rason na aking binanggit upang hindi ito maitatag sa Pilipinas. Pahintulutan ninyo akong sagutin ang mga rason:

1. Ang hindi nito nakagawian sa Pilipinas.

· Papaano natin nalaman na ang asukal ay matamis? Hindi ba’t dahil tinikman natin ito? Hindi masama ang subukan at unti-untiing ipatanggap at ipaliwanag sa mga tao kung ano ang permanent deacon. Madaming ipinatupad na pagbabago ang Vatican II, at marami rin ang sumalungat sa mga pagbabago nito, ngunit hindi ba’t sa pagpapaliwanag sa paraan ng katekismo ay naunawaan at natanggap na din ito ng nakararami? Sa pagbabago ng ating panahon, ang simbahan ay dapat sumasabay dito, nakikita ang mga pangangailangan ng tao upang matugunan sa mga karapat-dapat na mga pamamaraan ang mga suliranin sa pamayanan.

· Hindi bababa ang tingin ng tao sa simbahan dahil mayroon silang inordenahan na may asawa at pamilya. Bagkus, ito ay magiging daan upang ang simbahan at ang pamayanan ay magkaisa. Hindi nating maikakaila na dominado pa rin ng mga kleriko ang simbahan kahit na ipinatutupad nila ang B.E.C. o Basic Ecclesial Communities na isang pamamaraan upang mailapit ang mga tao sa simbahan.

2. Hindi pa kulang ang mga pari at madaming laikong naglilingkod

· Ang permanenteng diakono ay may sariling mukha at hindi dapat maging panakip butas lamang sa kakulangan ng pari sa Pilipinas. May sariling “charism”, may sariling “apostolate” at may sariling responsibilidad sa pamayanan na dapat ay kanyang tupdin sa tulong ng mga pari.

· Ang permanenteng diakono ay isang antas sa “hierarchy” ng simbahan, nawala lamang ito sa kadahilanan ng pagkawatak-watak ng simbahan. Ang pagbabalik nito ay hindi isang gawa-gawa lamang ng iilan kundi ito ay isang tradisyong at mission na nakaugat sa Bibliya.



No comments: