Wednesday, April 9, 2008

HULING HABILIN

Isang lalaki ang nasa bingit ng kamatayan. Tinawag niya ang kanyang maybahay upang makausap sa huling pagkakataon. "Mahal, nais kong sabihin mo sa akin ang totoo. Ngayong malapit na akong mamatay ay nais kong mapayapa ang aking sarili at maalis ang lahat ng anumang pagdududa tungkol sa ating dalawa. Tapatin mo ako... itong bang bunso natin ay tunay kong anak? Malayo kasi ang itsura niya sa akin..." Sagot ng babae: "Ano ka ba naman! Bakit pinagdududahan mo ako. Anak natin yang bunso... yung panganay ang sa kumpare mo!" Inatake sa puso ang lalaki! hehehe. Napakahalaga ng huling pamamaalam. Ang huling salita na ating maririnig sa isang taong malapit ng mawala sa mundong ito ay dapat pagtuunan ng pansin. Nilalaman nito ang kanyang buong buhay...ang kanyang sarili. Bago umalis si Jesus ay binitiwan niya sa mga alagad ang mga salitang ito: "Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo..." Walang kasing linaw ang mga salitang ito ni Jesus. Ngunit bakit kaya patuloy pa rin ang patayan at pamamaslang sa mundo? Bakit patuloy pa rin ang panlalamang at pang-aabuso sa kapwa? Bakit patuloy pa rin ang pagsasawalang kibo ng mga mayayaman sa mahihirap at hinihayaan silang mamatay sa gutom? Bakit hindi pa rin tayo makapagpatawad at matigas pa rin ang puso sa ating mga kagalit? Kung tunay na mahal mo S'ya... susundin mo ang Kanyang "huling habilin".... magmahalan kayo!

Fr. Duds Hila SDB

No comments: